PAABOT NI SISON SA GPH: LUMAGDA SA MAIKLI NGUNIT MALAMAN NA KASUNDUAN SA NDFP PARA SA ALYANSA AT TIGIL-PUTUKAN UPANG KUMPLETUHIN ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG REBOLUSYON NG SAMBAYANANG PILIPINO

PAABOT NI SISON SA GPH: LUMAGDA SA MAIKLI NGUNIT MALAMAN NA KASUNDUAN SA NDFP PARA SA ALYANSA AT TIGIL-PUTUKAN UPANG KUMPLETUHIN ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG REBOLUSYON NG SAMBAYANANG PILIPINO
Panayam kay Prof. Jose Maria Sison, Punong Konsultant sa Pulitika ng NDFP

ni Jeffrey Tupas
Peryodista sa Davao ng Philippine Daily Inquirer
18 Marso 2011

1. Ayon kay Padilla, tumanggi ang panel ng NDFP na sumang-ayon sa kanilang kahilingan para sa deklarasyon ng tigil-putukan habang nagpupulong sa Maynila ang magkasanib na komite sa pagmomonitor. Sabi niya, katawa-tawa kung magpupulong ang pangkat sa Maynila habang mayroong “digmaang nagpuputukan”.

Ayon sa kanya, malungkot na tinanggihan ng NDFP ang tigil-putukan dahil “laging mahalaga ang tigil-putukan.”

Ang tanong ay kung bakit tinanggihan ng NDFP ang kahilingan (kung unang-una na ay kahilingan nga ito).

Sagot ni Sison: Ang paulit-ulit na kahilingan ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH) para sumabay ang tigil-putukan sa bawat pormal na pulong sa antas ng panel at subpanel ay kalkulado para papanghinain ang rebolusyonaryong kapasyahan ng sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa, magpataw ng prekondisyon ng pasipikasyon at pagsuko, at umiwas na harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika.

Kung nagmamadali ang GPH na wakasan ang digmaang nagpuputukan, bakit hindi ito sumasang-ayon sa panukala ng NDFP para sa maikli ngunit malaman na kasunduan para sa kagyat na makatarungang kapayapaan, nang walang pinsala sa negosasyong pangkapayapaan. Ang maikli ngunit malaman na kasunduan ay isang deklarasyon ng mga prinsipyo para maglatag ng batayang komun at bigyang matwid ang alyansa o partnership at tigil-putukan na di depinido ang tagal upang kumpletuhin ang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, kaunlarang industriyal at katarungang panlipunan.

2. Sabi niya na sa loob ng tatlong taon, lahat ng komprehensibong kasunduan ay inaasahang maisasara — ibig sabihin, malalagdaan. Dahil dito, sabi niya dapat akuin ng NDFP at CPP-NPA ang tatlong-taong target bilang oportunidad para makipagkasundo sa gubyerno para sa NEGOTIATED SETTLEMENT. Ayon sa linyang ito, aniya’y naghihingalong ideolohiya ang komunismo.

Sagot ni Sison: Salungat sa sarili para sa GPH na magtakda ng maituturing na ultimatum habang naglalagay ng mga balakid gaya ng pag-atake sa Pinagsamang Deklarasyon ng The Hague bilang dokumento ng walang-hanggang dibisyon, pagprekondisyon at pagtanggi sa negosasyong pangkapayapaan sa pamamagitan ng kahingian para sa pagsuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa, at pagprekondisyon ng tigil-putukan sa lahat ng pulong ng mga panel at subpanel.

Nilalayon lamang ng NDFP ang pagkumpleto sa burges demokratikong rebolusyon laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon sa Pilipinas. Ang usapin ngayon sa Pilipinas ay hindi sosyalismo o komunismo, habang dumadagundong ang mga kahingian ng mamamayan para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo sa lahat ng dako ng daigdig dahil sa pagkabangkarote at pandarambong ng patakarang neoliberal o imperyalistang globalisasyon na dikta ng US.

3. Sinabi rin niya na habang totoo na hindi maibabagsak ng patakarang pakikidigma ng gubyerno, hindi rin maipapanalo ng mga komunista ang digma sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.

Sagot ni JMS: Ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang NDFP ay may realistikong programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang digmang bayan na pinamumunuan ng PKP ay lumalakas at sumusulong dahil isinusulong nito mismo ang ganoong programa at naglilingkod sa kahingian ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Bakit hindi harapin ng rehimeng Aquino ang mga kahingiang patriyotiko at progresibo ng sambayanan para makalikha ng makatarungan at matagalang kapayapaan sa NDFP? Kumbinsido ang sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa na kung ipagpapatuloy nila ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka, may pagkakataon silang maipagwagi ang pambansa-demokratikong rebolusyon o mahahawan ang landas para sa anti-imperyalista at demokratikong gubyerno ng pambansang kaisahan, rekonsilyasyon at kaunlarang industriyal.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a comment